Nakitaan ng probable cause ng Pasay City Prosecutors Office ang reklamong sedisyon na inihain laban kay Senador Antonio Trillanes IV.
Batay sa resolusyong ipinalabas at pirmado ni Senior Assistant City Prosecutor Johanna Gabatino – Lim, kanyang inirerekomenda ang pagsasampa na ng kaso laban kay Trillanes sa hukuman.
Nobyembre ng nakaraang taon nang ihain nina Atty. Glenn Chong, Labor Undersecretary Jing Paras at Atty. Manuelito Luna ang reklamo matapos namang sabihin ni Trillanes sa kanyang privileged speech na dapat barilin ng militar si Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang M-60 machine gun dahil sa mga tagong yaman nito.
Hindi naman ikinagulat ni Trillanes ang naging rekomendasyon ng Pasay City Prosecutors Office.
Ayon sa senador, malinaw na panggigipit lamang ang nasabing kaso lalo’t nakasaad aniya sa saligang batas na may immunity suit ang mga mambabatas sa kanilang mga privileged speech.
Iginiit pa ni Trillanes, mas naging determinado siya ngayon na tumayo laban sa mali at nakahanda rin siyang harapin ang kaso hindi tulad aniya ni Pangulong Duterte na isang duwag.
Samantala iginiit naman ni Paras na may limitasyon ang immunity sa mga privileged speech.
—-