Isinusulong sa senado ni Senate President Vicente Sotto III ang panukalang batas na naglalayong i-exempt mula sa pagbabayad ng income tax ang mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa ilalim ng Senate Bill 241, o Act Providing Tax Relief to Public School Teachers, hindi na pagbabayarin ng income tax ang mga guro nasa levels 1, 2 at 3 o yung mga hindi pa umaabot sa P26,000 ang buwanang sahod.
Nakasaad din sa panukala na hindi na rin bubuwisan ang holiday pay, over time pay, night shift differential at hazard pay na tinatanggap ng mga teacher levels 1,2 at 3.
Ayon kay Sotto, layon nitong mapabuti ang economic status ng mga entry level na guro na sumasahod ng bahagyang mataas sa minimum wage.
Dagdag ni Sotto, paraan aniya ito ng pagbibigay pagkilala sa napakahalagang papel ng mga guro sa paglinang ng mga kabataan.