Bababa simula sa Enero ng susunod na taon ang income tax ng mga individual taxpayers kaya’t inaasahan na ang pagkakaroon nila ng mas mataas na take home pay.
Ito, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ay dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Mananatili namang exempted sa pagbabayad ng personal income tax ang mga manggagawang may annual taxable income na mababa sa 250,000 pesos.
Para sa ibang taxpayers, maliban sa may taxable income na mahigit P8-M, magkakaroon ng mas mababang tax rates mula 15% hanggang 30% sa taong 2023, mula sa dating 20% hanggang 32%.
Samantala, ang mga top individual taxpayer na may annual taxable income na lampas P8-M ay may mas mataas na tax rate na 35% mula sa kasalukuyang 32%.
Ang bagong annual individual income tax rates ay bababa ng 5% para sa mga may taxable income o higit pa sa P250,000 hanggang P2-M habang 2% decrease sa tax rate sa mga indibidwal na may taxable income na higit P2-M hanggang P8-M.
Kumpara ito sa income tax rates na ipinatupad sa inisyal na implementasyon ng TRAIN Law noong 2018.