Malaking hamon para kay Police Chief Superintendent Aaron Aquino ang pagkakatalaga sa kanya bilang bagong Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Chief.
Sa panayam ng DWIZ, ipinabatid ni Aquino na nakipagkita na siya kay Pangulong Duterte matapos na i-appoint siya nito sa posisyon.
“Kagabi kinausap kami (kasama si General Lapeña) ng Pangulong Duterte, ang guidance niya sa amin ay to be honest with our work and he has so much expectations sa aming dalawa, sa aming trabaho.” Ani Aquino
Inamin ni Aquino na nabigla siya sa kanyang appointment bilang pinuno ng isa sa mga ahensyang may pinaka-kritikal na trabaho dahil na rin sa isinasagawang giyera kontra droga ng administrasyon, kasama na ang isyu ng pagkakapuslit sa bansa ng bilyun-bilyong halaga ng droga na mula sa China.
“Sa totoo lang, it is an unexpected appointment, kasi nasa serbisyo pa nga ako eh, first time atang nangyari na nasa serbisyo pa ako eh ina-announce na kaagad ang aking posisyon, I was caught flat-footed na ganito ang ibinigay sa akin ng Presidente.” Dagdag ni Aquino
Gayunman, tiniyak ni Aquino na ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang programa ni outgoing PDEA Chief General Isidro Lapeña.
Aniya kung kinakailangan ng balasahan sa ahensya ay hindi siya mangingiming ipatupad ito.
“I will consult the men and women of PDEA, from top to bottom, kung kailangang i-reshuffle yung mga ibang non-performing regional director ng PDEA, I’ll do it. Naka-focus pa muna ako ngayon sa aking posisyon ngayon as Regional Director, PO-3, pero sisimulan ko nang pag-aralan unti-unti para mas mapabuti pa ang PDEA.” Pahayag ni Aquino
Kasabay nito ay ipinabatid ni Aquino na sa kanyang pag-upo bilang PDEA Chief ay tututukan nila ni incoming Customs Chief Lapeña kung bakit patuloy na nakakapasok ang iligal na droga sa bansa.
“Isa ito sa pinakamalaking source ng iligal na droga, yung mga nakakapasok sa ports, airports…napansin ko na lahat ng drug laboratories ay managed by Chinese at lahat ng equipment nila to produce shabu are all imported coming from China. Bakit patuloy na nakakapasok? Bakit hindi ito mahinto? Dapat matutukan yan.”
Binigyang diin din ni Aquino ang malaking problema ng bansa sa talamak na korupsyon.
“Yung na-dismantle nating in floating drug dito sa Subic, magtataka ka kung bakit nakapasok ito sa bansa nang walang papel, ibig sabihin na-ko-corrupt nila ang law enforcement agencies, isa yan sa mga problema.”
Bagama’t aminado si Aquino na hindi madali ang kanyang magiging trabaho, tiwala itong makakaya namang tuluyang malansag ang pamamayagpag ng iligal na droga sa Pilipinas kung magtutulungan ang mga kinauukulang ahensya.
Kasalukuyan pang nasa PNP service si Aquino at nakatakdang mag-retiro sa Setyembre 6.
Magkakaroon naman ng turnover ceremony para sa pag-upo niya bilang PDEA Chief sa Setyembre 12.
By Aiza Rendon / Ratsada Balita Interview