Pormal nang uupo mamayang hapon bilang bagong Philippine National Police o PNP Chief si National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Director Oscar Albayalde.
Papalitan ni Albayalde si outgoing PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na itatalaga naman bilang pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor).
Matapos nito ay agad na magpapatupad ng balasahan si Albayalde sa hanay ng Pambansang Pulisya kung saan kabilang sa mga maapektuhan ang apat na mataas na posisyon sa PNP.
Sinabi ng incoming PNP Chief na ipinaubaya na sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalagay ng mga nararapat na tao sa posisyon.
Lumalabas na papalit kay Albayalde sa National Capital Region Police Office si Director Camilo Pancratius Cascolan na dating hepe ng PNP Directorate for Operations.
Samantala, tiniyak ni Albayalde na walang magbabago ngayong siya na ang bagong hepe ng Pambansang Pulisya.
Sinabi ni Albayalde na ranggo lamang ang magbabago ngunit patuloy pa rin aniya siyang matatawagan ng media para sagutin ang iba’t ibang isyu.
Mahigpit rin aniya ang kaniyang bilin sa mga district commanders at regional director na humarap sa publiko, magsalita at magpaliwanag upang mas maging katiwa-tiwala aniya ang PNP.
Kasabay nito, ipagpapatuloy pa rin ni Albayalde ang pag-iikot sa mga istasyon ng pulisya tuwing gabi upang alamin ang kahandaan ng mga pulis.
—-