Isinulong ni dating Solicitor General Florin Hilbay ang paglikha ng isang independent body na mag-iimbestiga sa mga public official na nagpapakalat ng fake news.
Ayon kay Hilbay, dapat tutukan ang “public value” ng katotohanan at kung mismong ang government official ang nagpapakalat ng maling impormasyon, bumababa ang halaga ng katotohanan o nawawala ang kredibilidad.
Magsisilbi anyang Ombudsman ang nasabing independent body sa pagsasala ng mga government official na nagpapakalat ng mali o pekeng impormasyon.
Samantala, inihayag naman ni Hilbay na magandang panukala na gawing krimen ang pagpapakalat ng fake news pero wala naman itong katiyakan na kung ang mga nagbabalita ng maling impormasyon o lehitimong media outlet ang mapaparusahan.
Sa ilalim ng nilagdaang Republic Act 10951 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto, inamyendahan nito ang Revised Penal Code hinggil sa parusa sa mga nagpapalaganap ng fake news.
Alinsundo sa bagong batas, isa hanggang anim na buwan at multang 40,000 hanggang 200,000 Pesos ang kahaharapin ng mapapatunayang nagpapalaganap ng maling impormasyon.