Tila pinapatay na ang industriya ng babuyan.
Ito ang naging hinaing sa panayam ng DWIZ ni Nicanor Briones, pangalawang pangulo ng Pork Producers Federation of the Philippines, sa Department of Agriculture, kasunod na rin ng pagpapatupad ng price ceiling sa mga karneng baboy at manok sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Ayon kay Briones, walang nangyaring konsultasyon sa panig ng pork producers, maging sa mga traders at resellers hinggil sa naturang hakbang.
Dati na kaming nahihirapan, ngayon naghihingalo, sa mga solusyon na ginagawa, pinapatay na kami,” ani Briones.
Sinisi rin ni Briones ang smuggling na pangunahin aniyang nagpapahirap sa mga magsasaka.
Samanatala, ipinanawagan din ni Briones sa pamahalaan ang pagpapatigil sa ipinatupad na price ceiling sa karneng baboy at manok at ang pagpapatawag aniya ng national summit.
Sa pamamagitan aniya nito ay magkakaroon ng malinaw na kasunduan sa panig ng mga producers, pati na ng mga consumers upang unti-unting makabangon ang hog industry.
Itigil ‘yang price ceiling. Magpatawag ng national summit. Magkakaroon ng malinaw na kasunduan, ang hinaing ng resellers, vendors, magbababoy, manok, and then magkakaroon ng consensus, isama na ‘yung mga consumer,” ani Briones. —sa panayam ng Serbisyong Lubos sa 882