Nagluluksa ang industriya ng showbiz sa biglaang pagpanaw ng prominenteng host at comedian na si German Moreno o mas kilala bilang Kuya Germs.
Si Kuya Germs ay kilalang star builder na nasa likod ng youth oriented show noong dekada otsenta na “That’s Entertainment” na nagbigay daan sa career ng ilang kilalang personalidad sa showbiz.
Kabilang dito ang international Broadway star na si Lea Salonga, Manilyn Reynes, Gladys Reyes, Judy Ann Santos, Janno Gibbs, Billy Crawford, Isko Moreno, Donna Cruz, Ramon Christopher at Lotlot de Leon.
Ang kanyang limang dekada sa showbiz ay nagsimula sa pagiging utility worker at curtain raiser sa dating kilalang Clover Theater.
Pero bago pa yan ay sumabak rin siya sa pagtitinda ng bibingka, mani at sigarilyo sa kalsada.
Naging barker din siya o tagatawag ng pasahero sa jeepney.
Idinaan ng ilang artista at netizens ang kanilang pakikidalamhati sa twitter account.
Sa kanyang tweet ay nagpasalamat si Lea Salonga kay Moreno na isa sa mga nagbigay ng break sa kaniya sa showbiz at nilagyan nito ng hashtag na Thursday group kung saan siya kabilang.
Sinabi naman ng batikang aktres at direktor na si Gina Alajar, na bagama’t pumanaw ay nagbubunyi naman daw ang langit para i-welcome ang tinaguriang “Master Showman”.
Isang mahabang mensahe naman ng pasasalamat at pag-alala ang ipinost ng kanyang anak-anakan sa industriya na si Billy Crawford kung saan tinawag ni Billy na ‘Pa’ si Kuya Germs. Ipinahayag din ni Billy ang kanyang pagmamahal para sa Master Showman.
Si Kuya Germs ay ang nag-initiate ng Walk of Fame sa Libis na hango sa kilalang Hollywood Walk of Fame.
Ibuburol ang labi ni Kuya Germs sa Mt. Carmel Church sa Quezon City.
By Arianne Palma