Nangunguna pa rin ang pagkontrol sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at mas mataas na suweldo sa mga isyung nais ng nakararaming Pilipino na aksyunan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay ito sa Ulat sa Bayan survey ng Pulse Asia mula September 24 hanggang September 30.
Ayon sa survey, 50 porsyento ng respondents ang nagsabing ang pagkontrol sa inflation ang dapat na aksyunan agad ng Pangulo samantalang 42 porsyento ang nagsabi na dapat ay ayusin ang pasuweldo sa mga manggagawa sa bansa.
Pumapangatlo lamang sa nangungunang concern ng mga respondents ang paglaban sa kriminalidad, 36 percent paglikha ng mga trabaho, 32 percent at paglaban sa katiwalian, 28 percent.
Samantala, sa mga lokal na problema ang masamang lagay at kakulangan ng kalsada ang nangunguna sa mga nais pa aksyunan ng mga Pilipino sa pamahalaan.
Sa survey ng Pulse Asia, 15.9 percent ang nagnanais na aksyunan agad ng pamahalaan ang masamang lagay ng mga kalsada sinundan ito ng mga pagbaha at baradong mga kanal, 11.2 percent drug addiction at pushers ang pangatlo, 10.2 percent basura, 7.5 percent at kawalan ng oportunidad sa trabaho, 6.5 percent.
—-