Inflation at umento sa sahod ng mga manggagawa.
Ito ang mga nangungunang usapin na nais paaksyunan ng mga Pilipino sa pamahalaan batay sa pinakahuling Pulse Asia survey ukol sa urgent national concerns.
Sa naturang survey, lumalabas na 47 porsyento ng mga Pinoy ang naniniwalang ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang unang-unang dapat na gawan ng paraan ng gobyernong Aquino.
Apatnapu’t anim (46) na porsyento naman ng mga Pinoy ang nagsabing ang umento sa sahod ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno habang 39 na porsyento ang pinatututukan ang paglaban sa korupsyon sa gobyerno.
Kabilang din sa mga concern ng mga Pinoy ay ang isyu ukol sa kahirapan; kapayapaan sa bansa, paglaban sa kriminalidad, pangangalaga sa kalikasan at iba pa.
Ang naturang survey ay isinagawa noong Mayo 5 hanggang Hunyo 30 sa may 1,200 respondents.
Reaksyon ng Palasyo
Tuluy-tuloy ang pagkilos ng gobyerno para mapanatiling malakas ang piso.
Reaksyon ito ng Malacañang sa resulta ng survey ng Pulse Asia kung saan nangungunang concerns ang inflation at suweldo ng mga manggagawa ayon kay Presidential Communication Secretary Sonny Coloma, ang pinakatanong sa nasabing survey ay kung satisfied ba sila sa performance ng Pangulong Aquino at kung saan 64% ang nagsabing satisfied sila at 22% lamang ang hindi satisfied.
Ito aniya ay bagamat concerned din ang mga respondents sa mga naturang usapin ng inflation at workers pay.
By Ralph Obina | Judith Larino | Aileen Taliping (Patrol 23)