Malaki ang epekto ng inflation rate sa pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Setyembre.
Batay ito sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority kung saan bumaba sa 2.50 milyon nitong Setyembre mula sa 2.68 milyon noong Agosto ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Sa panayam ng DWIZ kay Sergio Ortiz-Luis, Presidente ng Employers’ Confederation of the Philippines, sinabi nito na maraming Pilipino ang piniling mag-part time job para matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kabilang na sila na ikinokonsiderang employed tuwing may survey kaya tumaas ang bilang ng may trabaho.
”Kung tumataas ang bilihin e siyempre nahihirapan itong mga manggagawa, kaya’t ngayon marami part-time job lang, alam mo kasi kapag nag sa-sarbey kahit isang araw lang ang trabaho considered na may trabaho na ‘yon, panay sideline lang walang regular na trabaho… yung quality ng trabaho hindi naman nandon…”
Kaugnay naman sa hirit na taas-sahod kasunod ng lalong pagmahal ng presyo ng mga bilihin, sinabi ni Ortiz-Luis na depende pa ito.
Hindi kasi mabe-benipisyuhan ang lahat ng manggagawa kung magtataas ng sahod dahil karamihan ay hindi pa regular sa posisyon.
”kaya kapag nagtataas, ginalaw yung minimum wage..impresion mo ‘tumaas ang sweldo’ hindi, 10% lang yung mabibiyayayaan at the expense of the other 90%.. ang inflation tumataas wala namang paghuhugutan yung 90%, yung 10% ika nga eh there are in better position dahil yan eh may mga trabaho yang mga ‘yan yun yung laging ina-address natin hindi pupuwede iyon…’’ -Sergio Ortiz-Luis, Presidente ng Employers Confederation of the Philippines sa panayam ng DWIZ