Bumagal pa sa ika-anim na sunod na buwan ang inflation ng bansa.
Ayon kay National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, ang naitalang 4.7% inflation sa nakalipas na buwan ng Hulyo ay dahil sa bumagal ding pagtataas sa presyo ng pabahay, kuryente, gas at iba pang produktong petrolyo.
Ipinabatid pa ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal din ang pagsirit ng presyo ng pagkain na nasa 6.3% sa nakalipas na buwan kumpara sa 6.7% sa buwan ng Hunyo.
Bukod dito, isa pang factor sa July 2023 inflation ang pagbagal ng singil sa transportasyon na naitala sa pinakamabilis na annual decrease na negative 4.7% sa buong buwan mula sa negative 3.1% nuong June 2023.
Dahil dito, ang average inflation rate mula January hanggang July 2023 ay pumapalo sa 6.8%.
Ang July 2023 inflation ay pasok pa rin sa 4.1 hanggang 4.9% forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas bagama’t mas mataas sa dalawa hanggang apat na porsyentong target range ng economic managers.