Posibleng sumampa sa 9.1% hanggang 9.3% ang inflation rate sa Disyembre at manatiling mataas hanggang sa unang quarter ng susunod na taon.
Ito, ayon sa mga ekonomista, ay dahil pa rin sa mahal na global commodity prices at epekto ng mga nagdaang bagyo.
Inihayag ni Jonathan Ravelas, managing director ng E-Management for Business and Marketing Services at dating BDO Market chief strategist, na ngayong buwan ay posibleng umabot sa 8.4% ang inflation.
Gayunman, naka-depende ito kung hindi na muling magkakaroon ng mga kalamidad sa bansa sa nalalabing dalawang buwan.
Kinatigan din ni National Statistician Dennis Mapa ang forecast ni Ravelas ngayong buwan lalo’t patuloy na lumolobo ang halaga ng pinsala ng Bagyong Paeng sa agrikultura na isang hamon para sa gobyerno.
Sa tantsa naman ni ING Bank Senior Economist Nicholas Mapa, maaaring bumilis sa 8% ang inflation sa Disyembre lalo’t mayroon pa ring malaking epekto ang mataas na presyo ng bilihin dahil sa epekto ng bagyo.
Kamakailan ay inihayag ng Philippine Statistics Authority na bumilis sa 7.7% ang inflation rate noong Oktubre, dahil sa pag-alagwa ng pasahe sa public transportation, presyo ng krudo, pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Ito na ang pinaka-mabilis na paggalaw ng presyo ng mga bilihin sa nakalipas na 14 na taon.