Usap-usapan ngayon sa social media ang pagbagal ng inflation sa bansa. Ayon sa Philippine Statistics Authority, bumaba na ang inflation rate ng 4.9% ngayong October 2023 mula sa 6.1% noong September.
Malaking bahagi ng pagbagal ng inflation ang mga sunod-sunod na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka at konsyumer.
Iba’t ibang direktiba at initiatives ang ibinaba ni Pangulong Marcos Jr. para sa produksyon, gastusin, at transportasyon sa agriculture sector na siya namang nagpababa sa presyo ng mga bilihin, partikular na ng pagkain. Mula 9.7% noong September, naging 7% na lang ngayong October ang inflation sa presyo ng pagkain.
Isa sa mga direktiba ni Pangulong Marcos Jr. ang libreng rice seeds, fertilizer, financial assistance, at technical support na ibinahagi ng Department of Agriculture para sa mga Pilipinong magsasaka na nagpalakas ng kanilang lokal na produksyon. Kabilang na sa mga natulungan ng administrasyong Marcos ang mga magsasaka ng palay sa Barangay Pinili, San Jose City sa Nueva Ecija.
Ayon sa chairman ng Binabuyan Farmers’ Association na si Fernando Salvador, nakaani sila ng mahigit isandaang kaban kada ektarya na malinaw na mas marami kumpara sa mga nakaraang taon. Iniugnay ni Salvador at ng kanyang mga kapwa magsasaka ang kanilang masaganang ani sa tulong ni Pangulong Marcos Jr.
Matatandaang ipinatigil din ang paniningil sa toll fees at iba pang pass-through fees sa lahat ng sasakyang naghahatid ng produkto nang inisyu ni Pangulong Marcos Jr. ang Executive Order no. 41 noong September 25, 2023. Isa sa mga dahilan kung bakit sinuspinde ang pangongolekta ng pass-through fees ay para kontrolin ang epekto ng inflation rate, at makikita namang naging epektibo ito. Sa pagsuspinde sa pangongolekta ng pass-through fees na kadalasang umaabot nang halos 2,000 pesos, nabawasan ang production cost ng mga paninda at kalakal.
Maraming Kadiwa Stores din ang ipinatayo sa mga komunidad sa tulong ng kampanyang Bagong Pilipinas ng administrasyong Marcos. Sa Kadiwa Stores, naibebenta nang mas mura ang agricultural products dahil direktang farm-to-market ito.
Bukod dito, itinaas ni Pangulong Marcos Jr. ang farmgate price ng palay at layon ding bilhin ng National Food Authority ang palay ng mga Pilipinong magsasaka sa mataas na presyo. Ibebenta naman ito nang mura sa merkado.
Sa mga suporta at tulong na ibinibigay ni Pangulong Marcos Jr. direkta sa mga magsasaka, natutulungan na rin ang mga konsyumer dahil mas napapababa nito ang presyo ng mga pagkain. Sa pagbaba naman ng presyo ng pagkain, bumabagal ang inflation na siya namang may magandang dulot sa ekonomiya ng bansa.