Patuloy ang pagbagal ng inflation sa bansa.
Ito ay base sa ulat na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong January 5, 2024 kung saan naipakitang bumaba sa 3.9% ang inflation rate ng bansa noong December 2023, mula 4.1% noong November 2023 at 8.1% noong December 2022.
Lubos naman itong ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsabing ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagsusumikap upang mas pagandahin ang ekonomiya ng Pilipinas.
Malaking bahagi sa pagbagal ng inflation ang mga sunod-sunod na direktiba ni Pangulong Marcos na nagbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka at konsyumer.
Iba’t ibang inisyatiba ang ipinatupad ni Pangulong Marcos para sa produksyon, gastusin, at transportasyon sa sektor ng agrikultura na siya namang nagpababa sa presyo ng mga bilihin, partikular na ng pagkain.
Noong January 2023, umabot sa 8.7% ang inflation rate sa bansa. Bilang proactive measure upang malabanan ang epekto nito, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang pagtatatag ng Inter-agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO) noong May 26, 2023.
Sa pangunguna ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Finance (DOF), committed ang IAC-IMO sa pagsusulong ng modernization sa agrikultura at sa pagpapalakas ng produksyon upang makontrol ang implasyon at matiyak ang food security sa bansa.
Matatandaang ipinatigil din ni Pangulong Marcos ang paniningil ng pass-through fees sa mga sasakyang naghahatid ng produkto sa pamamagitan ng Executive Order no. 41. Isa sa mga dahilan kung bakit sinuspinde ang pangongolekta ng pass-through fees ay upang makontrol ang epekto ng inflation.
Isa pang direktibang nakatulong sa pagbagal ng inflation ang libreng rice seeds, fertilizer, financial assistance, at technical support na ibinahagi ng Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka na nagpalakas sa lokal na produksyon.
Namahagi rin ang administrasyong Marcos ng financial assistance sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng third tranche ng Targeted Cash Transfer (TCT) Program; Pantawid Pasada Program para sa mga driver at operators ng public transportation at delivery services; at Fuel Subsidy Program para sa mga magsasaka at mangingisda. Pinuri ng International Monetary Fund (IMF) ang targeted strategy na ito.
Pangako ni Pangulong Marcos para sa 2024, mas palalakasin niya ang mga programang pang-agrikultura at tututukan ang mga hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain at iba pang mga pangunahing bilihin para sa bawat Pilipino.