Kung titignan, aakalain mong eksena ito mula sa isang dystopian movie.
Makikita kasi rito ang ilang babae na nakapwesto sa harap ng ring lights at smartphones habang nagsasalita, sumasayaw, o kumakanta upang gumawa ng online content.
Sila ay hinahasa na maging social media stars ng mga kumpanyang tinatawag na “influencer farms”.
Laganap sa Asya, partikular na sa China, Indonesia, at South Korea, ang influencer farms.
Nakatuon ang influencer farms sa pagpapataas ng benta at pagpapanatili ng high-revenue streams sa industriya ng e-commerce.
Sa loob ng walong oras o higit pa, nagli-livestream o nagpro-produce ng content ang wannabe influencers upang mahikayat ang kanilang viewers na mag-add to cart sa kanilang mga ineendorsong produkto.
Kadalasang nag-aalok ng magarbong temporary rooms ang mga kumpanya para sa kanilang influencers upang magmukha itong authentic. Ngunit dahil napakataas ng demand ng ganitong operasyon, partikular na sa China, may mga pagkakataong sa kalsada na lamang sila gumagawa ng content.
Bagamat mukhang mahirap at hindi etikal ang ganitong uri ng trabaho sa influencer farms, malaki naman ang kinikita ng mga empleyado rito na posibleng umabot sa P2.6 million kada buwan, ayon sa ulat.