Paiigtingin pa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang information campaign nito laban sa death penalty.
Tiniyak ito ni Rodolfo Diamante, executive director ng CBCP Episcopal Commission on Pastoral Care dahil usaping pulitikal ang nakapaloob sa panukalang death penalty na nakalatag sa kongreso kung saan mayroong malawak na political allies ang pangulo.
Sa senado aniya ay 17 mula sa 24 na senador at super majority sa kamara ang tiyak na papabor para pagtibayin ang death penalty law.
Dahil dito, sinabi ni Diamante na higit pa nilang papalawakin ang kanilang kampanya kontra parusang kamatayan para mapaliwanagan ang mga mamamayan.
Nakapagsimula na aniya sila sa Mindanao at itutuloy nila ito sa pamamagitan ng pag-imbita sa mga expert mula sa iba’t ibang sektor tulad ng simbahan, labor, academe,mga estudyante at personalidad na tutol sa death penalty kasama na rin ang UN rapporteur.
Bagamat tila suntok na sa buwan at tiyak na makakalusot ang panukalang death penalty, binigyang diin ni Diamante na tuloy ang paglaban nila rito sa iba’t ibang paraan dahil sa paninindigang labag sa kautusan ng diyos ang parusang bitay.