Libre at walang pondong ilalabas ang gobyerno sa ilalargang Information Satellite Network sa mga barangay sa buong bansa para magpalaganap ng tamang impormasyon at malabanan ang fake news.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar walang magagamit na taxpayers money sa proyekto dahil ito ay ambag ng Satellite Network Companies sa bansa.
Ang magiging partisipasyon lamang aniya ay ang buwanang subscription ng bawat barangay na 500 Piso.
Sinabi ni Andanar na sa pamamagitan ng government satellite network at madaling mailarga ang mga impormasyong pang gobyerno at mga abiso kapag may kalamidad at pagtutuwid sa fake news at maaari ring makausap ang Pangulong Rodrigo Duterte dahil mayruon itong internet.
Tiniyak ni Andanar na hindi magagamit sa puro Facebook at computer games ang ikakabit sa mga barangay dahil kontrolado ng PCOO ang internet na papasok sa bawat satellite at ipagbabawal ang mga hindi magandang website.
Inaasahan aniyang masisimulan ang pagkakabit ng satellite disk sa may 42,000 barangay sa buwan ng Hunyo kasama ang DILG at isasailalim sa orientation ang mga barangay chairmen para mas madaling maintindihan ang importansya ng proyekto.
Judith Estrada-Larino / Jopel Pelenio / RPE