Pinuna ni Sen. Panfilo Lacson ang biglaang pagkakaiba at paglobo ng pondo ng mga Kongresista para sa infrastructure projects mula nang maupo si House Speaker Lord Allan Velasco.
Ito ang ginawang pag-amin ni Lacson sa paghimay ng Senado sa 2021 Proposed National Budget kung saan, umabot aniya sa P15-B ang nakalaan sa infra projects ng mga mambabatas.
Mas mataas aniya ito ng di hamak kumpara sa 9 billion pesos nuong si Taguig Rep. Allan Peter Cayetano pa ang nakaupong Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Pagpalit ng liderato, napansin namin, halimbawa sa NEP (National Expenditure Program), yung isang distrito nasa mga P9 -B. Siguro medyo matibay yung distrito na yun, paglabas ng GAB, under the new leadership, umabot pa siya ng P15-B. Merong distrito din na nasa P4 or P5-B, paglabas ng GAB, nadagdagan pa ulit ng another P4 or P5-B, naging halos P8 -B na. So nakakagulat talaga,” pahayag ni Lacson.
Magugunitang bumuo ng Small Committee si Velasco mula nang maupo ito sa puwesto para mangasiwa sa Panukalang 2021 Budget kung saan, “handpicked” umano nito ang mga miyembro na nagrekumenda ng P20-B amendments.
Gayunman, nananatiling tahimik pa rin ang tanggapan ni Velasco sa kabila ng sunud-sunod na pagbubunyag ni Lacson hinggil sa dambuhala at nakalululang pondo ng Kamara na isiningit sa General Appropriations Bill (GAB).