Nakatakdang maglaan ang gobyerno ng lima hanggang anim na porsiyento na pondo mula sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa para sa infrastructure projects.
Batay sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sinabi niya na mananatiling prayoridad niya ang mga proyektong pang imprastraktura lalo na’t ito ang itinuturing na backbone ng ekonomiya.
Maliban dito, nilinaw ng pangulo na hindi niya sususpendihin ang mga proyektong nasimulan na sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, plano nilang hikayatin ang investors sa pamamagitan ng pagpapalakas sa public private partnerships.
Naniniwala ang pangulo na isa ang pagsasa-ayos ng mga imprastraktura sa paraan upang mapaganda rin ang iba pang sektor gaya ng agrikultura, turismo, at iba pa.