Welcome sa Department of Justice (DOJ) ang inihaing petisyon ng 8 inmates ng New Bilibid Prison (NBP) sa korte suprema laban sa bagong Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kanya ring hinihintay na may mahain ng petisyon dahil nais niya ring malaman ang wastong ligal na interpretasyon sa R.A. 10592 o GCTA law.
Aniya, tanging ang korte suprema lamang ang makakabigay ng huling pasiya sa usapin, lalu’t magkakaiba rin ang ibinibigay na interpretasyon ng iba’t-ibang grupo sa nabanggit na batas.
Dagdag ni Guevarra, nais niya ring ideklara ng Supreme Court na tama ang kanyang naging pagbasa sa GCTA law at kung sakaling mali ay agad niya ring maitatama ito.
Samantala, tumanggi naman si Guevarra na magbigay ng komento hinggil sa petisyon at ipinauubaya na lamang ito sa Office of the Solicitor General (OSG) na tatayo bilang kanilang mga abogado.