Hindi napigilan ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maglahad ng kanyang saloobin sa kasong isinampa laban ng solicitor general laban sa ABS-CBN Corporation.
Matatandaang naghain ng quo warranto petition si Solicitor General Jose Calida sa Korte Surpema, ang kaparehong paraan na ginamit din niya para mapatalsik si Sereno sa puwesto nuong 2018.
Ayon kay Sereno, ang pagkilos na ito ng solicitor general ay maituturing na pananakot sa network.
Maituturing din aniyang redundant ang naturang pagkilos kung talagang pa–expire na ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso.
Naniniwala si Sereno na mayroong malalim na mensahe ang administrasyon sa ginagawa nito sa ABS-CBN lalo na ngayong inihirit pa sa Korte Surpema na patahimikin ang network sa pamamagitan ng gag order.