Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi magiging agresibo ang reklamong inihain nila laban sa inilagay ng China na anti-aircraft at anti-missile systems sa ginawa nilang mga artipisyal na isla sa South China Sea.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, isang note verbale ang ipinadala nila sa Chinese Embassy, isang confidential na uri ng protesta na ang layunin ay magkaroon lamang ng komunikasyon ang magkabilang panig na sesentro sa pinag-uusapang isyu.
Sinabi ni Yasay na naghain sila ng note verbale makaraang maberipika ng intelligence community ng Pilipinas ang napaulat na paglalagay ng Tsina ng mga armas sa nilikha nilang mga isla.
Bagamat hinay-hinay anya sila upang hindi maapektuhan ang pinagigting na pakikipagkaibigan sa China, binigyang diin ni Yasay na hindi naman nila ikokompromiso ang interes at karapatan ng Pilipinas.
Kapag dumating aniya ang panahon na handa na ang Pilipinas na itulak ang pakikipag-usap sa China hinggil sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea, gagawin nila ito nang naaayon sa desisyon ng international tribunal na pumabor sa Pilipinas.
By Len Aguirre