Pag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang inihaing petisyon ng ilang grupo ng transportasyon hinggil sa surge fee sa pamasahe ng mga jeep at bus tuwing rush hour o peak hours.
Nabatid na humihirit ang mga jeepney driver ng karagdagang piso habang dagdag na dalawang piso naman sa mga bus driver tuwing peak hours mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga at alas-4 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi bilang tugon sa muling pagtaas ng presyo ng langis.
Kasama sa mga grupong humihiling ng surge fee ang grupong PASANG MASDA, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).
Ayon sa LTFRB, naiintindihan nila ang hinanaing ng mga driver at operators dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa international market.
Bukod diyan, naiintindihan din ng ahensya ang panawagan ng mga komyuter dahil lalo lamang magpapahirap sa pang-araw araw nilang gastusin ang dagdag-singil sa pamasahe kasabay narin ng pagkakaroon ng epekto sa ekonomiya ng bansa.
Sa ngayon, patuloy pang hinihimay ng LTFRB ang mga petisyong inihain sa ahensya at iba pang mga polisiya para sa kapakanan ng mga driver, operators, at mga pasahero.