Mariing itinanggi ng Malakanyang na trial by publicity lang ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na isa itong tiwaling opisyal ng pamahalaan.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag matapos sabihin ng Pangulo na ang Korte Suprema ay pinamumunuan ng isang tiwaling opisyal.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, gusto lamang ipaliwanag ng Pangulo ang mga isyu.
Tiniyak din ni Abella na bilang isang abogado, alam ng Pangulo ang kanyang ginagawa at mayroon itong mga ebidensiya.
Respeto ng Pangulo sa tanggapan ng Ombudsman hindi nawawala – Palasyo
Nilinaw ng Palasyo na hindi nawawala ang respeto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Office of the Ombudsman bilang isang institusyon.
Sa Mindanao Hour briefing sa Malakanyang, inihayag ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang pinaghuhugutan ng pagkadismaya ng Pangulo ay ang ginagawa ng ilang mga tao sa loob ng naturang tanggapan.
Ani Abella, ang nako-kompromiso ay ang buong institusyon dahil aniya sa ilang kuwestiyon ng umano’y iregularidad ng ilang tao lamang ang may kagagawan.
Gayunman, walang nakikitang krisis ang Malakanyang sa gitna ng naging pahayag ng Pangulong Duterte na walang makukuhang kooperasyon sa kanya ang Ombudsman sa pag-iimbestiga sa first family.
Dagdag pa ni Abella, ang ginagawa lamang aniya ng nasabing body ay fishing expedition at ang hakbang naman aniya ng Pangulo dito ay bahagi ng diskarte upang harapin ang sitwasyon.