Hindi natinag ang ilang Senador sa pag-i-imbestiga sa umano’y anomalya sa pagbili ng gobyerno ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceuticals.
Ito’y sa kabila ng inilabas na memorandum ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa mga Cabinet member na dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Gayunman, aminado si Senate Minority Leader Franklin Drilon na magiging mas mahirap ang kanilang imbestigasyon dahil sa memo ng Pangulo.
Lantaran anyang paglabag sa konstitusyon ang inilabas na kautusan kung saan tanging sa pagdinig ng kumite hinggil sa pharmally pinagbabawalan dumalo ang mga miyembro ng gabinete.
Idinagdag pa ni Drilon na kung gugustuhin ng liderato ng Senado ay maaaring kwestyunin sa Supreme Court ang inilabas na memo tulad ng kanyang ginawa noong siya ang Senate President kung saan kinuwestyun niya sa SC ang validity ng EO 464 ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Samantala, inihayag naman ni Senator Panfilo Lacson na malinaw na ang intensyon ng pinalabas na memo ay iparalisa ang pagdinig ng kumite sa nakikitang iregularidad sa transaksyon ng gobyerno at Pharmally.—sa panulat ni Drew Nacino ulat mula kay Cely Ortega-Bueno