Maaaring maipasara ang isang kumpanya ng sigarilyo na hindi susunod sa graphic health warning law o GHWL na nagkabisa na simula sa araw na ito.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, Spokesman ng Department of Health (DOH), maliban sa mga kumpanyang gumagawa ng sigarilyo ay may nakalaan ring parusa sa mga retailers na magbebenta ng mga sigarilyong hindi nakasunod sa GHWL.
Sa ilalim ng batas, kailangang hindi na makita sa merkado ang mga pakete ng sigarilyo na walang graphic health warning simula sa November 3 ng taong ito.
“Provide reason sa mga tao na magdalawang-isip kung kailan ba nilang manigarilyo o hindi dahil ito ang magiging effect. I’m sure may nababalitaan naman tayong mga namamatay dahil sa paninigarilyo and this can add up.” Ani Lee Suy.
Layon ng paglalagay ng larawan sa pakete ng sigarilyo na ipakita sa publiko kung ano ang puwedeng mangyari sa isang taong naninigarilyo.
Sakop ng GHWL ang lahat ng sigarilyong ibinebenta sa bansa, lokal man o imported.
“Regardless kung gaano kalaki ang kumpanya mo kahit sabihin mo, baka akala nila na mga international company lang ma-iinvolve dito sa graphic health warning, lahat ng sigarilyo for that matter will have to follow the graphic health warning sign, may kaakibat na local counter part so alam nila yun dapat.” Pahayag ni Lee Suy.
By Len Aguirre | Ratsada Balita