Pinabubusisi muli ng kampo ni dating senador Bongbong Marcos ang isinagawang preliminary appreciation sa tatlong pilot provinces na tinukoy niya para sa isasagawang recount hinggil sa kaniyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Nakasaad ito sa isinumiteng memorandum ng kampo ni Marcos bilang pagsunod sa utos ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na mag komento ang kaniyang kampo at kampo ni Robredo sa resulta ng recount na isinagawa sa Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental.
Sa kaniyang memorandum ay kinilala rin ni Marcos ang kapangyarihan ng PET para resolbahin ang kanilang third cause of action sa electoral protest.
Ang third cause of action ay tumutukoy sa hiling ni Marcos na mapawalang bisa ang resulta ng eleksyon sa pagka-bise presidente nuong 2016 sa halos 2,800 clustered precinct mula sa Basilan, Maguindanao, at Lanao del Sur dahil sa nangyari aniyang panggigipit duon sa mga botante, terorismo, at pre-shading ng mga balota.
Nilinaw ng kampo ni Marcos na ang kanilang third cause of action ay hiwalay sa second cause of action ng kanilang poll protest at ito ay tumutukoy naman sa recount sa 25 lalawigan at 5 highly urbanized cities.
Ang second cause of action ay nangangailangan ng revision at pagbusisi sa mga balota habang ang third cause of action ay nakabase sa nangyaring terorismo at panggigipit sa mga botante na nag resulta sa illegality of ballots.