Sumampa na sa halos dalawang bilyong piso ang halaga ng iniwang pinsala sa imprastraktura ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 2,433 ang napinsalang imprastraktura sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR), na umabot na sa kabuuang P1,993,069,205.62.
Iniulat naman ng Department of Agriculture na pumalo na sa P48,256,325.55 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa CAR habang ayon sa National Irrigation Administration (NIA) ay umabot na sa P22,700,000 ang pinsala sa Ilocos Region at CAR.
Samantala, umakyat sa kabuuang 35,958 na mga kabahayan ang naapektuhan din ng lindol sa Ilocos Region, Cagayan Valley, CAR, at NCR, kung saan 35,265 dito ang partially damaged at 693 ang tuluyang nawasak.
Aabot naman sa 146,363 na mga pamilya o 533,651 na mga indibidwal ang napektuhan mula sa 1,343 barangays sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at CAR.
Nananatili naman sa 11 ang death toll habang nasa 609 ang napaulat na nasugatan.