Palalawakin pa ng Bureau of Corrections (BuCor) ang Oplan Galugad na sinimulan nilang isagawa sa New Bilibid Prisons o NBP.
Ayon kay NBP Supt. Richard Schwarzkoph Jr.,tuloy-tuloy ang gagawin nilang Oplan Galugad, hindi lamang sa maximum security compound ng NBP kundi maging sa iba pang kampo sa loob ng NBP.
Ipinag-utos na rin anya ng BuCor sa lahat ng mga kulungan sa iba’t ibang panig ng bansa na ipatupad ang Oplan Galugad at tiyaking mapuputol na ang nakagawiang pagpapasok ng mga kontrabado sa bilangguan.
Kabilang sa mga nakalatag na sistema upang mahinto na ang pagpasok ng kontrabado sa NBP ang pagbili ng x-ray machines at metal detectors, paglimita sa bilang ng mga sasakyang puwedeng makapasok sa NBP at pagdisiplina at pagbalasa sa mga NBP personnel.
Sa pinakahuling Oplan Galugad sa NBP, pawang maliliit na kontrabando na lamang ang nakuha sa maximum security compound tulad ng cellphone, signal booster, telebisyon, refrigerator at bladed weapons.
“Actually possible na magkaroon kami ng isang ambulansya na nasa loob lang para pagdating doon sa gate puwedeng ilipat na lang natin ang ating mga pasyente kung kinakailangan at kung hindi naman talagang emergency ay puwedeng padiretsuhin, at isa pang pumapasok diyan ay yung basura natin, truck yun, paghahagis sa bakod ang paraan nila, kung paano natin in-address yan ay bibili tayo ng mga lambat, yung mga fish net.” Paliwanag ni Schwarzkoph.
Nangako din naman si Schwarzkopf na hindi ningas-kugon ang mga ginagawa nilang operasyon sa loob ng pambansang bilangguan.
“Asahan din ng ating publiko na yung ating mandato ay gagawin natin para sa ikabubuti ng mamamayan.” Dagdag ni Schwarzkopf.
By Len Aguirre | Ratsada Balita