Magtatalaga ang Department of Justice o DOJ ng limang (5) panel of prosecutors para humawak ng inquest proceedings sa mga maaarestong miyembro ng Maute Group, Abu Sayyaf Group at iba pa na sangkot sa pag-atake sa Marawi City.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, bawat panel ay bubuuin ng limang piskal at ang mga itatalagang piskal ay manggagaling lahat sa mindanao.
Gagawin naman ang inquest proceedings sa Iligan City dahil sa nasabi ring lungsod iniutos ng Office of the Court Administrator ng Korte Suprema na mag-operate pansamantala ang Marawi Regional Trial Courts.
Inaasahang ngayong Huwebes, pormal nang makapagtatalaga ng mga piskal na kasama sa bubuuing panel ng DOJ upang masimulan na rin ang legal process sa mga naarestong miyembro ng mga teroristang grupo.
DOJ nagpalabas ng immigration lookout bulletin order vs teroristang grupo
Nagpalabas na ang Department of Justice ng immigration lookout bulletin order laban sa 139 indibidwal na pinaghihinalaang konektado sa Maute, Abu Sayyaf at mga kaalyado nito na naghahasik ng gulo sa Marawi City at iba pang bahagi ng Mindanao.
Kasunod na rin ito ng inisyung arrest order ni Martial Law Administrator at Defense Secretary Delfin Lorenzana laban sa mga ito.
Sa ilalim ng kautusan, inaatasan ang lahat ng mga immigration officer na maging mapagmatyag sakaling mamataan ang 139 katao na nasa arrest order sa mga immigration counter sa alinmang international port o seaport.
By Meann Tanbio | With Report from Bert Mozo