Humingi na ng paumanhin ang news website na Inquirer.net kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Ito’y makaraang ipahayag ni Panelo na kakasuhan niya ng libel ang Inquirer.net maging ang Rappler sa paglalathala ng aniya’y malisyosong ulat kaugnay sa pag-eendorso niya sa Board of Pardons and Parole (BPP) ng executive clemency para kay dating Calauan mayor Antonio Sanchez na dati rin niyang kliyente.
Sa inilabas na pahayag ng naturang news website, nakasaad na nanghingi na ng paumanhin ang Inquirer.net kay Panelo hinggil sa naturang isyu.
Nilinaw na rin anila ang kanilang ulat hinggil dito kasunod na rin ng paglilinaw ni Panelo na ginagawa niya ang pag-eendorso sa lahat ng lumalapit sa kanyang tanggapan.
Samantala, magugunita namang tinawag na isang “diversionary tactic” ng Rappler ang pananakot na ito ni Panelo at kaniya umanong ginamit ang kapangyarihan ng Tanggapan ng Pangulo para sa paglaya ng kanyang dating kliyente na si Sanchez.