Iimbestigahan ng Department of Education (DEPED) ang insidente kung saan itinampok sa isang programa sa telebisyon ang isang guro ng pampublikong paaralan na inakusahan ng pang-aabuso sa isang bata.
Ayon kay DepEd Spokesperson, Undersecretary Annalyn Sevilla, nakikipag-ugnayan na ang kanilang legal team sa mga kinauukulang tanggapan partikular sa regional at division office ng DEPED – NCR.
Aniya, patuloy ang kanilang pagkalap ng mga impormasyon at validation sa mga report hinggil sa insidente.
Samantala, nanawagan naman sa publiko ang abogado at education advocate na si Atty. Joseph Noel Estrada na pakinggan muna ang paliwanag ng gurong si Melita Limjuco sa inihaing reklamo sa kanya.
Iginiit ni Estrada, wala silang nakitang pang-aabuso sa ginawang pagpapalabas ni Limjuco sa silid aralan ng isa sa kanyang mga estudyante dahil paraan aniya ito ng pagdidisiplina.
Tiniyak din ni Estrada na kanilang bibigyan ng ligal na tulong si Limjuco matapos itong papiliin ng broadcaster na si Raffy Tulfo kung sasampahan ng kaso o aalis sa propesyon ng pagtuturo.
Magugunitang, lumapit sa programa ni Tulfo ang lola ng isa sa mga estudyante ng gurong si Limjuco matapos umanong ma-trauma at mapahiya ang kanyang apo nang palabasin ito sa classroom.