Ikinadismaya ng Interior Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño ang nangyaring karahasan sa gitna ng clearing operations sa lungsod ng Parañaque.
Sa isang pahayag ni Diño, sinabi nito na hindi nararapat ang ginawa ng mga tauhan ng Parañaque Task Force sa isang residente ng lungsod na kinilalang si Warren Villanueva.
Mababatid na nakipag-agawan ng kariton ang mga tauhan ng task force kay Villanueva, at nang magpumilit itong kunin ang kariton, dito na nagkaroon ng tensyon.
Dumating pa sa puntong pinadapa, pinosasan at sinipa ang mukha ni Villanueva.
Dahil dito, tinawag ni Diño na isang “overkill” ang pangyayari.
Iimbestigahan naman ng DILG ang naturang pangyayari, at nagbabala rin sa mga nagsasagawa ng clearing operations na maaari silang sampahan ng reklamo, oras na hindi magpatupad ng maximum tolerance.
Sa huli, tiniyak ni Diño na kanyang tutulungan ang biktima kung mapagdedesisyunan nitong magreklamo.