Iginiit ng kampo ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ na hindi na dapat pag-usapan ang insidenteng kinasangkutan nito sa Hawaii.
Binigyang diin ni Israelito Torreon, tagapagsalita ni Quiboloy na malayang nakauwi sa Pilipinas si Pastor Quiboloy, hindi siya kinasuhan sa Hawaii, hindi rin siya nakulong at wala siyang pinagdaanang anumang legal na proseso kaya’t walang dapat na pag-usapan pa.
Ayon kay Torreon, kung may nalabag na batas sa Hawaii si Quiboloy dapat sana ay nakulong siya at nakasuhan doon.
Nauna nang ipinaliwanag ni Torreon na pag-aari ng security detail ni Quiboloy ang mga natagpuang baril sa private plane ng Pastor.
Samantala, inako na ni Felina Salinas, ang kasama ni Quiboloy sa kanyang biyahe sa Hawaii ang pag-aari sa mahigit sa 300,000 dolyar natuklasan rin sa pribadong eroplano ni Quiboloy.
—-