Ikinabahala ng Commission on Higher Education (CHEd) ang ulat na umano’y instant PhD na ini-aalok ng isang unibersidad sa Pilipinas.
Ayon sa kay CHEd Chairperson Prospero De Vera, III, posibleng mabahiran ng isyu ang dignidad ng mga higher education institutions sa bansa.
Agad namang bumuo ng grupo ang CHEd na tututok sa usapin kabilang ang pagkakasangkot dito ng Adamson University.
Bagaman itinuturing na autonomous university ang Adamson, sinabi ni De Vera na maaari nilang usisain ang usapin.
Umugong ang isyu matapos sibakin sa pwesto si Peng Xilin, university head ng Shaoyang University sa Hunan, China, matapos niyang i-rehire ang 22 gurong ipinadala niya sa Adamson.
Kumuha ng doctorate degree ang mga nasabing guro sa loob lamang ng 28 buwan, taliwas sa dapat na apat hanggang limang taon.