Isang integrated hotline ang inilunsad ng Philippine National Police o PNP para sa iba’t ibang sumbong tulad ng masikip na daloy ng trapiko, krimen, kotong cops at iba pa sa gitna ng paggunita sa Semana Santa.
Ito’y sa pamamagitan ng Hotline 4545 na bahagi ng bagong programa ng PNP na “Pulis kung umaksyon, mahusay at mabilis” sa pangunguna ng Directorate for Police Community Relations.
Ayon kay PNP Chief General Oscar Albayalde, bukod sa Patrol 117 na nakalaan para sa pagsaklolo ng pulisya, nakatuon ang 4545 sa mga reklamo laban sa mga iregularidad sa lipunan.
Mas may sistema aniya ang bagong integrated hotline sa pagtanggap ng mga reklamo, monitoring at pagkakasa ng mga kaukulang aksyon.
Bukod sa 117 at 4545, maaari ring magsumbong ang publiko sa PNP sa pamamagitan ng PNP mobile app na integrated o isinama sa bagong hotline.
(with report from Jaymark Dagala)