Nilamon ng apoy ang bahagi ng Intelligence Building ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng Kampo Aguinaldo .
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), nagsimula ang apoy sa 3rd floor ng J-2 Building dakong alas -1:20 ngayong hapon.
Agad namang naapula ang nasabing apoy dakong alas-2 ng hapon na umabot lamang sa unang alarma.
Ayon naman kay AFP Spokesman Marine Maj/Gen. Edgard Arevalo, ang nasunog aniyang bahagi ay ang barracks ng mga tauhan ng J2 o Intelligence Unit ng AFP.
Pagtitiyak pa ni Arevalo, wala namang nasugatan o napinsalang dokumento sa loob ng nasabing gusali na naapektuhan ng sunog.
Patuloy na iniimbestigahan ng BFP at ng AFP ang laki at lawak ng pinsalang tinamo ng naapektuhang gusali.