Nasasayang lang umano ang bilyong piso na inilalaan bilang intelligence fund ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa umano’y pinapalutang na “Red October”.
Ito ang naging pahayag ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano matapos aminin sa budget deliberation ng mga opisyal ng AFP na hindi pa balido ang mga impormasyon ukol sa umano’y sabwatan para pabagsakin ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Alejano, limang bilyong piso ang kabuuang intelligence fund ng gobyerno at mahigit P1.7 bilyon rito ay nasa kamay ng militar.
Nakakapanghinayang umano na ginagamitan ng nasabing pondo ang mga walang basehang impormasyon na nakukuha ng AFP.
Kaugnay ito, umaasa naman si Alejano na ang pinalulutang na Red October ay hindi paraan para bigyan lamang ng dahilan si Pangulong Duterte na magdeklara ng malawakang martial law.