Pinaigting ng Police Regional Office-12 ang intelligence operations sa bayan ng Columbio, Sultan Kudarat upang matunton ang dalawang sundalong dinukot ng New People’s Army o NPA.
Ito, ayon kay Pro-12 Spokesman, Supt. Romeo Galgo Junior, ay bilang suporta sa Philippine Army na naka-deploy sa naturang lugar.
Gayunman, blangko pa rin anya ang militar at police intelligence units kung anong unit ng NPA ang dumukot sa mga sundalo at saan eksaktong lugar dinala ang mga ito.
Batay sa army intel report, sinasabing dinala sina Sergeant Solaiman Calocop at Private 1st Class Samuel Garay ng 39th Infantry Battalion sa boundary ng Sultan Kudarat at Davao Del Sur partikular sa kabundukan ng Kiblawan kung saan may malakas na presensya ang rebeldeng grupo.
Lulan sina Calocop at Garay nang motorsiklo nang harangin ng halos 20 rebelde sa Barangay Telefas, Columbio, noong Miyerkules.
Patungo sana ang dalawa sa kanilang homebase sa Barangay Telefas mula sa Headquarters sa Makilala, North Cotabato nang dukutin ng mga komunistang grupo ilang oras matapos nitong kanselahin ang unilateral ceasefire sa gobyerno.
By Drew Nacino