Nagpasalamat ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa National Police Commission (NAPOLCOM) makaraang aprubahan nito ng recruitment ng mahigit 17,000 bagong pulis.
Kasabay nito, tiniyak naman ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na tanging ang mga pinakakwalipikadong aplikante lang ang makakapasok sa PNP.
Dito aniya masusubukan ang inilunsad nilang Intensified Cleanliness Policy (ICP) kung saan, sasalain ang mga aplikante sa pagkapulis sa pamamagitan ng paggamit ng QR (Quick Response) Code.
Sa paggamit aniya ng QR code, walang mukha o pangalan na makikita ang mga nagpo-proseso ng aplikasyon, upang masiguro na walang palakasan.
Malalaman nalang aniya ang pangalan kapag pasado na ang aplikante bilang Police Recruit.
Nagpaalala naman ng NAPOLCOM sa mga miyembro ng Screening and Selection Committee na mahigpit na sundin ang mga alituntunin ng recruitment process gayundin ang mga ng IATF guidelines sa community quarantine. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)