Pinakilos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng inter-regional at inter-provincial public utility vehicles na gumamit ng Safe, Swift and Smart Passage (S-PaSS) Travel Management System.
Ang S-PaSS ay communication platform na ginawa ng Department of Science and Technology (DOST) para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero na bumabiyahe sa bawat provincial at regional borders upang makaiwas sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa memorandum na pirmado ni LTFRB Chairman Martin Delgra, ang lahat ng mga pasahero ay dapat magrehistro sa S-PaSS system bago makabili ng kanilang ticket sa bus na kailangang ipakita ang registration bago payagang makasakay ng bus.
Bukod pa ito sa travel coordination permit o travel pass through permit na inisyu ng local government sa lugar kung saan ito patungo.
Una nang binuksan ang mahigit 250 na ruta ng bus na binubuo ng 5,000 units na labas-masok sa Metro Manila.