Bigo pa rin ang Internal Affairs Service ng Northern Mindanao Police Office (IAS-NMPO) na makahanap ng potential witness sa madugong raid sa Ozamiz City na ikinasawi ni mayor Reynaldo Parojinog at labinglimang iba pa.
Ayon kay Senior Supt. Gerry Galvan, hepe ng IAS–NMPO, bagaman naghahanap ang mga imbestigador ng mga posibleng tumestigo, wala pang sinuman ang naglalakas-loob na magbahagi ng kanilang nalalaman.
Noong Huwebes anya ay nag-inspeksyon sila sa bahay ng alkalde at kinausap ang mga kapitbahay nito pero wala umanong nakakita sa shootout dahil tulog ang karamihan sa mga residente at blackout nang maganap ang insidente, madaling araw noong Hulyo 30.
Sa kabila nito, inihayag ni galvan na nananatiling bukas ang kanilang tanggapan para sa sinumang nais magbigay ng testimonya o maging testigo.
Ozamiz City police, ipagpapatuloy ang pagberipika sa umano’y mass grave sa lungsod
Ipagpapatuloy ng Ozamiz City police ang pag-beripika sa impormasyon na sampung bangkay umano ang itinapon ng notorious na “Martilyo Gang” sa lungsod.
Ayon kay Chief Insp. Jovie Espenido, hepe ng Ozamiz City police, mayroon ng napaulat na sampu katao na posibleng biktima ng nabanggit na gang ang nawawala.
Noong Biyernes ay hinukay ng mga miyembro ng pulisya ang isa umanong mass grave sa Barangay Cogon at narekober ang ilang hinihinalang buto ng tao.
Nakatanggap anya sila ng impormasyon noong Hunyo na mayroong itinapon na bangkay sa naturang lugar.
Una ng inihayag ni PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa na may kaugnayan ang “Martilyo Gang” sa Kuratong Baleleng group na binuo ng ama ni Ozamiz City mayor Reynaldo Parojinog na si Octavio “Onkoy” Parojinog Sr.
By Drew Nacino