Hinikayat ng nakakulong na si Senadora Leila De Lima ang international community na ipagpatuloy na manindigan laban sa mga pagpatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iyan ang buod ng mensahe ni De Lima na binasa para sa kaniya sa ika-61 sesyon ng UN o United Nations Commission on Narcotics Drug sa Vienna, Austria.
Giit ng senadora, bigo ang administrasyon na makita ng lubos ang problema ng bansa sa iligal na droga bilang pambansang problema sa kalusugan na kinakailangan ng kakaibang paraan para masawata.
Binanatan pa ni De Lima ang pangulo na aniya’y labis ang pagiging marahas sa mga nasasangkot sa droga nang walang pakundangan sa umiiral na rule of law at karapatang pantao sa kabila ng iniwang aral ng mga bansang gumamit ng dahas sa pagsugpo rito.