Tinatayang nasa 12,000 delegado ang dadalo sa ika-51 International Eucharistic Congress na gagawin sa Cebu simula sa araw ng Linggo, Enero 24.
Ngunit bago ito, magpupulong muna ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP para sa kanilang taunang plenary sessions ngayong araw.
Pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Giuseppe Pinto ang pulong sa pamamagitan ng banal na misa na isasagawa sa Cebu Metropolitan Cathedral.
Matapos nito, susundan na ang pagdiriwang ng IEC ng mga symposium o mga pag-aaral hinggil sa kahalagahan ng eukaristiya sa pangaraw-araw na pamumuhay ng isang Kristiyano.
Tatagal ang IEC hanggang ika-31 ng Enero kung saan, isang misa ang pangungunahan ng papal legate o kinatawan ni Pope Francis bilang hindi ito makadadalo sa nasabing pagdiriwang.
Power and Water Supply
Wala naman aasahang malawakang brownout sa kasagsagan ng 51st International Eucharistic Congress na gagawin sa Cebu.
Ito ang pagtitiyak ng Visayan Electric Company o VECO na nagsabing sapat ang suplay ng kuryente para sa pagdiriwang.
Ayon kay Engr. Juan Miguel Eksaltasyon, pinuno ng System Department for Operation ng VECO, may naka-standby naman silang mga tauhan sakaling may mangyaring hindi inaasahan na magdudulot ng pagkawala ng kuryente sa mula lugar na pagdarausan ng mga aktibidad sa IEC.
Gayunman, nanawagan pa rin ang opisyal sa mga residente ng Cebu na magtipid pa rin sa kuryente kahit walang power shortage sa kanilang lugar.
Puspusan na rin ang ginagawang pag-a-upgrade ng Metropolitan Cebu Water District ngayong Linggo.
Ito’y para matiyak na walang magiging problema sa suplay ng tubig sa Cebu lalo na sa kasagsagan ng International Eucharistic Congress.
Ayon kay MCWD Public Affairs Manager Charmaine Kara na batay sa kanilang obserbasyon, tumaas ang demand sa konsumo ng tubig nitong nakalipas na Sinulog Festival dahil sa dami ng mga deboto at nakipista sa Cebu.
Gayunman, tiniyak ni Kara na hindi sila magpapaka-kampante dahil bukod sa nakakasang aktibidad, mas pinaghandaan nila ang mas matindi pang epekto ng El Niño nang pumasok ang taong kasalukuyan.
Dahil dito, humingi na ng paumanhin si Kara sa mga maaapektuhan ng gagawin nilang upgrade sa kanilang serbisyo at sistema.
By Jaymark Dagala