Mananatili pa rin ang ipinatutupad na restrictions sa biyahe ng mga eroplano palabas at papasok ng Pilipinas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang inihayag ng Bureau of Immigration (BI) sa kabila na nang pagsisimula na sa Lunes, Hunyo 1 ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, patuloy pa rin ang implementasyon ng mga travel restrictions na tulad ng ipinatupad noong enhanced community quarantine at ngayong modified ECQ.
Maliban na lamang aniya kung ipag-uutos na ng national government ang pagtanggal sa mga nabanggit na restriksyon.
Dagdag ni Morente, mananatiling limitado, nasa skeletal force at rotational ang deployment ng mga tauhan ng bureau of immigration dahil suspendiso pa rin aniya ang karamihan sa mga international flights.