Ginugunita ngayong araw, Marso 8 ang International Women’s Day sa buong mundo.
Ito ay bilang pagdiriwang sa mga naiambag at nakamit ng mga kababaihan sa larangan ng ekomomiya, kultura, social at politikal sa buong mundo.
Ngayong taon, may tema ang international women’s day na press for progress para sa mas mabilis na pagkamit ng gender parity o pagkakapantay-pantay ng bawat kasarian sa buong mundo.
Nagsimula ang women’s day noong 1908 kung saan mahigit 15,000 kababaihan ang nagprotesta sa New York City na nanawagan ng karapatang bumoto, tamang pasahod at pagpapaikli ng oras ng kanilang trabaho.
Taong 1913 nang pormal namang kilalanin ang araw na ito, Marso 8 bilang International Women’s Day.
‘Women’s day protest’
Isang malaking kilos protesta ang isasagawa ng mga grupo ng mga kababaihan kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day mamayang alas-12:00 ng tanghali.
Ayon sa Gabriela, pangunahing usapin na kanilang bibigyang diin sa kilos protesta ay ang kontratuwalisasyon partikular sa mga babaeng manggagawa.
Kakalampagin din nila ang administrasyon Duterte na anila’y patungo na sa diktadura, gayundin ang pagbibigay suporta kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na nahaharap sa impeachment complaint at quo warranto petition.
Inaasahan naman ng Gabriela na aabot sa 30,000 ang makikiisa sa kilos protesta na magsisimula tanggapan ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Matapos nito, magtutungo sila sa Liwasang Bonifacio kung saan magkakaroon ng programa at saka magmamartsa patungong Mendiola.
ATM | National Parks Development Committee’s Unity Walk in celebration of International Women’s Day here in Rizal Park, Manila. pic.twitter.com/cf9lclmWy3
— Gabriela WomensParty (@GabrielaWomenPL) March 8, 2018
Samantala, maaga naman ang naging pagdiriwang ng International Women’s Day sa ilang lalawigan at syudad.
Sa Baguio City, isinabay ang International Women’s Day sa 2018 Kababaihan Festival na ginanap sa PFVR Gynasium na dinaluhan ng mga kababaihan mula sa iba’t ibang sektor.
Kabilang sa bahagi ng selebrasyon ang pagkilala sa outstanding women leaders ng Baguio City.
Samantala, kanya-kanyang kulay ng suot na t-shirt naman ang mga babaeng dumalo sa selebrasyon ng International Women’s Day sa Cebu City.
Ang kulay ng suot ng mga dumalong kababaihan ay depende sa barangay na kanilang kinakatawan.
By Len Aguirre