Pinagdiriwang ngayong buwan ang Woman’s Month o ang pagkilala sa kadakilaan at kabayanihan ng mga kababaihan sa iba’t ibang larangan at propesyon sa buong mundo. Ang nasabing pagkilala ay nagmula pa noong 1900’s na kung saan 15,000 kababaihan sa Estados Unidos ang nagmartsa sa lansangan upang hilingin ang pantay pantay na pagtingin sa mga kababaihan at ang karapatang bumoto sa eleksyon o halalan. Taong 1910 isang babaeng nag ngangalang Clara Zetkin ang nagmungkahi na magkaroon ng isang araw kada taon na ipagdiriwang ang araw para sa mga kababaihan, mula noon ay yumabong na ang nasabing selebrasyon.
Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Kababaihan sa Pilipinas, buong dangal na ipinagmamalaki ng Philippine Military Academy SALAKNIB class of 2017 ang pagkakaroon ng 8 top candidates na pawang mga babae. Sa pahayag na ibinigay ng pamunuan ng PMA, 167 ang kadeteng bumuo ng Sanggalang ay Lakas at Buhay para sa Kalayaan ng Inang Bayan o SALAKNIB class of 2017. Sa nasabing bilang ay walong kababaihan ang napasama sa top 10 honored graduates.
Si Cadet First Class (C1C) Rovi Mairel Valino Martinez na tubong Cabanatuan City, Nueva Ecija ang siyang valedictorian ng SALAKNIB class of 2017, si Martinez na anak ng isang simpleng barangay kagawad ay makakatanggap din ng Presidential Saber, Philippine Navy Saber, Academic Group Award, Social Sciences Plaque at iba pang awards.
Kabilang sa iba pang mga kasama sa Top 10 ng SALAKNIB class of 2017 ay sina: Philip Modesto Viscaya ng Ligao City, Albay; Eda Glis Buansi Marapao ng Baguio City; Cathleen Jovie Santiano Baybayan mula San Fernando, Pampanga; Carlo Emmanuel Manalasan ng Canlas, Pampanga; Shiela Joy Ramiro Jallorina mula sa Bagabag, Nueva Viscaya; Sheil Marie Calonge De Guzman ng Manaoag, Pangasinan; Joyzy Mencias Funchica ng Butuan City; Resie Jezreel Arrocena Hucalla tubong Compostella Valley at Catherine Mae Emeterio Gonzales na nagmula sa Zamboanga City.
Nakatakdang dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatapos ng mga nasabing kadete ng PMA sa Baguio City sa ika-12 ng Marso taong kasalukuyan.
Libreng sakay at serbisyo para kay Juana ngayong International Women’s Day
Kasado na rin ang iba’t ibang pribilehiyo para sa mga kababaihan ngayong araw kasabay ng selebrasyon ng National Women’s Month na umiikot sa temang “Serbisyo Para kay Juana”.
Ang mga pribilehiyong ito ay kinabibilangan ng libreng sakay sa Light Rail Transit (LRT) Line 2, libreng admission sa mga piling atraksyon sa Intramuros at iba pang mga discounted entrance at application fees.
Ang libreng sakay ay kaloob ng Department of Transportation, sa pakikipagtuwang sa Philippine Commission on Women (PCW), para mabigyan ng mga ‘perks and services’ ang mga Pilipina ngayong kanilang espesyal na araw.
Bahagi ito ng mga aktibidad na plano ng PCW para sa Woman’s Month ngayong buwan. Sa Pilipinas, idineklara rin ang Marso 8 bilang National Women’s Day sa bisa ng Republic Act 6949.
By Robert Eugenio and Ira Y. Cruz