Ibinabala ni political analyst Professor Ramon Casiple ang posibleng international terrorism.
Ito, ayon kay Casiple, executive director ng Institute for Political and Electoral Reform (IPER), ay kapag natuloy ang tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika.
Sinabi ni Casiple na terorismo ang pinakadelikadong epekto ng magiging tapatan ng puwersa ng Amerika at Iran.
Ito aniya ay lalo pa’t maghahanap ang Iran ng mga bansang papanig sa kanila dahil batid nitong hindi nila kakayanin ang military technology ng Estados Unidos.
Inihayag pa ni Casiple na kawawa rin ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Middle East bagamat hindi direktang sangkot sa giyera ang Pilipinas.
Kasabay nito, pinayuhan ni Casiple ang gobyerno na magsimula nang maghanap ng panibagong pagkukunan ng petrolyo maliban sa Gitnang Silangan para hindi maapektuhan sakaling umakyat ang presyo nito.