Napag-alaman na mas bumilis pa ang fixed broadband at mobile download speeds sa Pilipinas noong Disyembre ng nakaraang taon.
Ito’y batay sa Ookla Speedtest Global Index kung saan natuklasan na sumirit ang fixed broadband median speed sa 87.13Mbps mula sa 81.42Mbps na naitala noong sinundan nitong buwan.
Nabatid na ang latest download speed ay katumbas ng 7.01% month-to-month improvement para sa fixed broadband. Nangangahulugan na nagkaroon ng 26.39% improvement mula nang mag-umpisa ang Marcos administration noong July 2022.
Ang mobile median speed ay tumaas din nang maitala ang download speed na 25.12Mbps mula sa 24.04Mbps kumpara noong Nobyembre 2022. Ang latest download speed ay katumbas ng 4.49% month-to-month improvement para sa mobile. Kaya nagkaroon ng 17.33% improvement mula nang pumasok ang Marcos admin.
“The continued improvement in internet speed is a welcome development as President Ferdinand Marcos, Jr. encourages the country to embrace digitalization if it wants to survive and thrive in a post-pandemic economy,” pahayag naman ni National Telecommunications Commission Officer-in-Charge Commissioner Ella Blanca Lopez.
Sinasabing ang pagpapabilis sa pag-iisyu ng LGU permits noong July 2020 ay nagresulta ng malaking increase sa permits na ipinagkaloob sa telcos simula July 2020 hanggang November 2022.
Dito’y iniuugnay ang pagbilis ng internet, kasabay ng pag-aapura rin ng mga telcos sa pagtatayo ng imprastraktura, gaya ng cellular towers at fiber optic network, na kailangan para mapabuti pa ang kanilang serbisyo at connectivity sa iba’t ibang sulok ng bansa.